Thursday, November 01, 2007

Communion message for tatay

Katatapos lang ng "Araw ng mga patay." Tradisyon nating mga Pilipino na alalahanin ang mga mahal natin sa buhay na pumanaw na. Tuwing araw ng mga patay, hinding-hindi natin nakakalimutan na dalawin ang puntod ng mga taong malapit sa puso natin. Ito ang paraan natin ng pag-alaala sa kanila kung kaya't pinaghahandaan natin ito ng husto.

Ang "communion" ay ang espesyal na paraan na inihabilin ni Jesus upang alalahanin natin Siya. Di tulad ng semana santa na tradisyon lamang o ritwal upang alalahanin ang isang taong pumanaw na, ang communion ay tanda ng mahahalagang mensahe ni Hesus patungkol sa ating buhay sa nakalipas, sa kasalukuyan at sa hinaharap.

1. Patungkol sa nakalipas basahin natin ang Mga taga-Roma 5:8.

Alalahanin natin ang mga kasalanang nagawa natin at ihingi natin ng tawad sa Diyos. Alalahanin natin na minahal tayo ng Diyos sa kabila ng ating mga kasalanan. At bilang patunay sa pagmamahal na 'yon, inako ni Hesus ang kaparusahan sa ating mga kasalanan. Minahal tayo ng Diyos kahit na tayo'y makasalanan. Hindi tayo dapat matakot o mahiya o magmayabang na aminin ang ating mga pagkukulang sa kanya. Pinatawad na Niya tayo at nilinis ng dugo ni Kristo.

2. Patungkol sa ating kasalukuyan, basahin natin ang 1 Juan 3:16. (This is how we know what love is: Jesus Christ laid down his life for us. And we ought to lay down our lives for our brothers).

Alalahanin natin na paulit-ulit na inihabilin sa atin ni Hesus na mahalin natin ang isa't-isa. Alam ni Hesus ang mga hirap, pagsubok, tukso, panganib na haharapin natin sa buhay na ito bilang mga disipulo niya. Gaya ng isang magulang na naghahabilin na magmahalan ang mga anak niya, ganun din si Hesus. Itinuro niya sa atin na kung paanong isinakripisyo niya ang kanyang sarili para sa atin, ganun din ang dapat nating gawin para sa isa't-isa. Sa gitna ng pagsubok, noon natin higit na kailangan ang isa't-isa. Hindi sapat na nagkikita-kita tayo tuwing linggo. Dapat ay magdamayan tayo lalo't higit sa harap ng pagsubok.

3. Patungkol sa ating hinaharap, basahin natin ang Mateo 26:26-29.

Alalahanin natin na hinihintay tayo ni Hesus sa langit. Sinabi Niya na hindi na muling titikman ang prutas ng ubas hangga't hindi niya tayo kasama. Para na rin niyang sinabi na pagdating natin sa langit, magkakaroon tayo ng isang engrandeng selebrasyon. Alalahanin natin kung saan tayo patungo. Sa kabila ng lahat ng pagsubok na pinagdaraanan natin sa buhay, naghihintay si Hesus na tayo'y makasama sa langit.

Nawa ay lukuban tayo ng Diyos ng pagpapakumbaba, pagmamahalan, at kaligayahan habang ginugunita natin ang sakripisyong ginawa para sa atin ng ating Panginoon.